Ito ang pahayag ni Health Secretary Francisco T. Duque III kasunod ng alegasyon ng umano’y 154 billion pesos na lugi ng gobyerno, dahil sa iba’t-ibang uri ng pandaraya.
Dagdag pa n’ya, hinarap na n’ya ang isyung ito noon pang nakaraang taon sa isang pagdinig sa Blue Ribbon Committee.
“I have clarified this before the Blue Ribbon Committee last year, but I will repeat it to set the record straight. There is no such thing as a 154B loss,” sabi ni Duque.
Sa katunayan, may hawak s’yang sulat mula kay Commission on Audit (COA) Chairman Michael G. Aguinaldo na nagsasabing walang ganung findings ang Commission on Audit Annual Audit Reports, taliwas sa alegasyon na kinukwestiyon sya umano ng COA. Alam na ito ng Senate Committee noon pang Hunyo 10.
Pinabulaanan din n’ya na may danyos ang gobyerno sa 2020 IT budget ng PhilHealth. Wala pang perang nagastos dito dahil nananatili pa rin itong proposal hanggang ngayon.
Paliwanag pa ng Kalihim, “Since everything is still at the proposal stage. This is precisely because we need a more complete analysis on both hardware and software infrastructure needed by PhilHealth.”
Matatandaan na nagrekomenda si Duque ng ‘overhaul’ ng Information Systems Strategic Plan o ISSP ng Philhealth. Layunin nito na palakasin ang kanilang IT Roadmap. At para mas mabantayan, may ‘go signal’ din ang PhilHealth board members sa suhestiyon ni Duque na magkaroon ng fact finding committee sa lalabas na audit findings.
Hanggang ngayon, magde-desisyon pa ang Board kung paano ii-implement ang nasabing IT Project. Kailangan pang busisiin ang ICT plan nito bago maglabas ng pondo ang gobyerno.
Kamakailan lang, nakatanggap na ng Internal Audit Group (IAG) report ang PhilHealth para sabihin na ang unang nakitang discrepancy sa IT budget proposal ay naayos na.
“I will direct Management to present this soonest so PhilHealth can move forward in its much-needed operations,” dagdag pa ni Duque.