Tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng pandemic task force na ipatupad ang Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa buong bansa dahil hindi pa umano nagsisimula ang vaccination rollout.
“The Chief Executive recognizes the importance of re-opening the economy and its impact on people’s livelihoods. However, the President gives higher premium to public health and safety,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Dagdag pa niya, nais ng Pangulo na masimulan na agad ang pagbabakuna upang maipatupad na ang MGCQ sa bansa.
Kamakailan, inirekomenda ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na ibaba na sa MGCQ ang quarantine classification ng bansa upang maiahon ang ekonomiya matapos sa epekto ng pandemya.
Sang-ayon din sa suhestiyong ito ang mga alkalde ng Metro Manila gayundin ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Kaugnay nito, tinanggihan din muna ng Pangulo ang pagsasagawa ng limited in-person classes sa mga lugar na naitalang low-risk ang transmission rate ng virus.
Ayon umano sa Pangulo, “He cannot in conscience allow these things to happen [MGCQ, face-to-face classes] and something might get wrong,” pahayag ni Senator Bong Go.
Sa kabila ng lahat, kumpiyansa pa rin si Pangulong Duterte na maiintindihan ng economic managers at ng publiko ang kasalukuyang sitwasyon.