Nasabat ang PhP1-milyong halaga ng ecstasy o “party drugs” na nakapaloob sa isang air parcel ng pinagsamang pwersa ng Bureau of Customs Port of NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa Central Mail Exchange Center (CMEC).
Nasa 535 pirasong tableta ang nadiskobre sa loob ng paketeng idineklarang “dokumento” galing Netherlands.
Nasa PDEA na ang mga nasabing tableta nitong Enero 7 para sa imbestigasyon ng mga maaaring managot sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Sec. 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act.
Sa tala, nasa 23,482 ecstasy tablets na nasa PhP42.27-milyon ang nakumpiska na ng BOC NAIA kasama ang PDEA at NAIA-IADIGT nitong 2020.
Sa kabilang banda, nasa 373.19 tonelada na rin ng unsafe at hazardous goods na walang permit at clearance sa Food and Drug Administration, kabilang na ang unregistered medicines at pharmaceuticals, ang nawasak na rin ng BOC NAIA para sa kaparehong taon.