Iminungkahi ni Interior Secretary Eduaro Año na magsuot na rin ng face mask at face shield ang bawat pamilya matapos ihayag ni National Task Force Chief Implementer Carlito Galvez, Jr. na bukod sa workplace, maaari rin umanong makuha ang virus sa “densely-populated areas” kung saan mahirap ipatupad ang social distancing.
Natukoy rin kamakailan nina Sec. Galvez na umabot na sa “per family” ang COVID-19 contamination. Dahil dito, iginiit ni Sec. Año na mataas din ang posibilidad ng transmission ng virus sa loob ng bahay.
Aniya, “Isipin natin ngayon, ang transmission ngayon ay buong pamilya na, pami-pamilya… rich or poor talagang buong pamilya… ang pinaka-importante diyan kung talagang ‘di nila maiwasan, magsuot sila ng mask. Advisable din ‘yung face shield diyan,” paliwanag ni Sec. Año.
Inamyendahan na rin ang inalabas na Memorandum Circular No. 2020-33 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board kung saan saklaw na rin sa pagsuot ng face mask at face shield ang drayber at kundoktor ng pampublikong sasakyan simula Agosto 15. Ang bagong protocol na ito ay parte ng pagsisikap ng Department of Transportation upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa pampublikong sasakyan.
Inabisuhan din ni Sec. Año na bukod sa pampublikong sasakyan ay ugaliing magsuot ng face mask at faceshield maging sa mga pamilihan, ospital, at quarantine facilities.
“Ito ay ine-encourage at puwedeng i-require sa lugar na maraming tao, for example ‘yung mass transport, mga establishments, mga isolation facilities, hospitals, sa mga palengke, sa mga workplaces, kung saan ‘yung maraming tao at hindi mo ma-maintain ‘yung two-meter distance kasi dapat two-meter distance so makakatulong ‘yung face shield,” paliwanang ni Sec. Año.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines – Philippine General Hospital, napag-alaman na ang pagsuot ng face mask at face shield kasama na ang pagsunod sa itinakdang minimum health standards ay makatutulong upang maiwasan ang COVID-19.