Kinumpirma ng Palasyo na nakatakdang ibalik ngayong buwan ng Pebrero sa mas istriktong General Community Quarantine (GCQ) ang ilang probinsyang nasa ilalim ngayon ng Modified Community General Quarantine.
Hindi pa muna ibinahagi kung aling lugar ang ibabalik sa GCQ sapagakat ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakasalalay kay Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon para rito.
“Napakahirap po kasi magsalita kasi talagang nirereserba natin kay Presidente yung desisyon,” ani Sec. Roque.
Subalit paglilinaw niya, “Ang importante po sa ganitong punto ay ikumpirma na may mga lugar tayo na magkakaroon ng escalation po from MGCQ, magiging GCQ.”
Kamakailan, inendorso ng Department of Health ang mas istriktong quarantine measures para sa Cordillera Administrative Region dahil sa biglaang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lugar.
Samantala, pabor pa rin ang mga alkalde ng Metro Manila na ipagpatuloy ang GCQ status sa lugar matapos matukoy na nasa bansa na ang bagong strain ng COVID-19.