Hinikayat ng Palasyo ang publiko na hintayin muna ang desisyon ng Food and Drug Administration (FDA) kaugnay sa paggamit ng anti-parasitic drug na Ivermectin sa mga tao.
Ito ay matapos kumalat na mabisang lunas at panangga umano ang Ivermectin laban sa COVID-19. Ilang doktor na rin ang umapela sa gobyerno na gawin itong available para sa mga pasyenteng hindi na makapasok sa mga ospital.
“Ang ating pakiusap, antayin na lang natin kasi mabilisan naman ‘yang decision ng FDA na ‘yan. Hindi naman magtatagal ‘yan,” pahayag ni Sec. Roque.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala pa umanong sapat na ebidenya na mabisa ang Ivermectin laban sa COVID-19 subalit, mayroon na umanong application na isinumite sa FDA para sa compassionate use nito.
“Ito naman ay para sa ating interes din, dahil kinakailangan mapatunayan na mabisa at epektibo at ligtas ang gamot na ito para sa COVID-19,” ani Sec. Roque.
Samantala, nanindigan pa rin ang Department of Health at FDA sa paggamit ng Ivermectin sa tao sapagkat wala pa umanong sapat na patunay na epektibo nga ito laban sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, veterinary grade lamang ng Ivermectin ang commercially available sa bansa.