Suportado ng Palasyo ang pagkakaroon ng COVID-19 passport upang aniya’y magsilbing pruweba na nabakunahan na ang isang indibidwal ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mismong ang Department of Health (DOH) ang mangunguna sa pamimigay nito.
“Importante po iyong passport na iyan kasi iyan ang magiging susi doon sa ating tinatawag na mobility, para tayo makaikot, makabiyahe, makapag-resume ng ating normal na buhay bago tumama ang pandemic,” pahayag ni Sec. Roque.
Kamakailan, nagpahayag si DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na magbibigay umano ang gobyerno ng QR code-based vaccination certificate kung saan makikita ang impormasyon ng nabakunahang indibidwal.
“This would be something of a unique identifier for a specific person who will receive the vaccine, and dito magkakaroon din po sila ng card na nagsasabi na sila ay nabakunahan, either with one dose or two doses. This will serve as their certificate that they have been vaccinated,” anunsyo ni Usec. Vergeire.
Maaari rin umanong magamit ang vaccine passport na ito para sa inaasahang pagpapatupad ng border control sa iba’t ibang bansa.
Sang-ayon din dito si Immigration Commissioner Jaime Morente at ayon sa kanya mas mapapabilis umano ang pagproseso sa mga paparating na pasahero sa bansa kung mayroong COVID-19 passport.