PAMAHALAAN NAGSAGAWA NG DRY RUN BILANG PAGHAHANDA SA PAGDATING NG COVID-19 VACCINES SA BANSA

Ni Raiza F. Cabugwang
Photo courtesy of pna.gov.ph
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Kulang-kulang isang linggo bago ang inaasahang pagdating ng 117,000 doses ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines mula sa kumpanyang Pfizer, nagsagawa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ng dry run upang mapaghandaan ang paglilipat ng naturang suplay ng bakuna magmula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hanggang sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa. 

Bilang bahagi ng naturang dry run, dumating ang mock vaccines sa NAIA Terminal 2 sa Pasay City nitong Martes, Pebrero 9, 2021. Agad namang nagsagawa ng pre-screening ang Bureau of Customs upang mabawasan ang clearing time ng naturang mga bakuna. Ang mga pinaglagyan naman ng kunwaring bakuna ay inilagay sa refrigerated van upang mapanatili ang temperatura ng mga ito. Nagtungo ang nasabing vans sa RITM kasama ang grupo ng kapulisan. Pagkarating nito sa RITM sa Alabang, ibinaba naman ang mock vaccines at sumailalim ang mga ito sa quality inspection. Pagkatapos ay inilagay ang mga ito sa ultra-low temperature freezers na may kakayahang mag-imbak ng mga bakuna ng mula -60 hanggang -80 degrees centigrade. Mula roon ay ililipat naman ang mga bakuna sa iba’t ibang ospital at lokal na pamahalaan. 

Tumagal ng higit isang oras at kalahati ang naturang simulation exercise — mas mabilis sa inaasahang tatlong oras at tatlumpung minutong proseso para rito. 

Nasiyahan naman si Vaccine czar Carlito Galvez, Jr. sa isinagawang unang dry run. Gayunpaman, binigyan niya ito ng 80/100 na puntos dahil maaari pa aniyang mas mapabuti ang nasabing proseso. 

“Kapag nakatipid ka ng time at walang major defect at walang major hiccups, okay ‘yon. We want na ma-perfect natin. Kung ire-rate natin, nasa 80% tayo from 100,” pahayag ng Kalihim sa isang media briefing.

Ani Galvez, maaari pang mas gawing maingat ang pagbibiyahe sa mga bakuna bilang sensitibo aniya ang mga ito. 

Sumunod namang isinagawa ang simulation exercises sa ilang mga pampublikong ospital. Tumagal ang paghahatid ng mga bakuna ng 39 minuto mula sa RITM patungong Lung Center of the Philippines — 11 minutong mas mabilis sa inaasahang 50 minutong delivery time. Samantala, tumagal naman ng 44 minuto ang pagbibiyahe sa mga bakuna papuntang Philippine General Hospital, at 150 minuto naman papuntang Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium o Tala Hospital. 

Naantala ang delivery schedule ng mock vaccines patungong Tala Hospital dahil sa kinaharap na technical issues ng van at sa ginanap na rally na nagdulot ng matinding trapiko malapit sa ospital. 

Samantala, inaantay pa ang pagdating ng mga datos na nakalap mula sa simulation exercise na ginawa sa East Avenue Medical Center. 

Ayon kay Lung Center Spokesperson Dr. Norberto Francisco, nakahandang ipagpatuloy ng ospital ang nasabing simulation exercises hanggang sa pagdating ng mga aktwal na bakuna. 

Dagdag pa ni Dr. Francisco, nagawa nilang paikliin ang oras ng paglilipat ng mga bakuna mula sa reception area hanggang sa storage freezers upang mapanatili ang nararapat na temperatura para sa mga ito. 

Dalawang grupo ang mamamahala sa pagbabakuna — ang isa ay mangangasiwa sa storage facility, habang ang isang grupo naman ang siyang mag-aasikaso sa pagtatala, counseling, at pagsasala ng mga nakatakdang bakunahan. 

“We can start anytime. Anytime dumating ‘yong vaccine, we are ready,” pahayag ng tagapagsalita ng Lung Center. 

Sinabi ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na magsasagawa rin ng dry run sa paglilipat ng mga bakuna mula sa RITM hanggang sa airport, hanggang makarating ang mga ito sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City at Southern Philippines Medical Center sa Davao City, na kasama rin sa listahan ng mga ospital na bibigyang-prayoridad sa pagbibigay ng bakuna. 

Dagdag naman ni Secretary Galvez, magsasagawa pa ng karagdagang simulation exercises ilang araw bago dumating ang suplay ng bakuna sa bansa. 

Magsasagawa rin aniya ng iba pang simulation exercises para sa pagdating ng iba pang brands ng COVID-19 vaccines dahil iba-iba aniya ang kinakailangang gawing pag-iingat para sa mga ito. 

Inaasahang darating na sa bansa sa susunod na linggo ang unang batch ng COVID-19 vaccines. Nakatakda namang magsagawa ng pagbabakuna ang bansa laban sa virus sa first quarter ng 2021 at ng malawakang pagbabakuna naman sa third quarter ng taong ito.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.