LUNGSOD NG QUEZON — Tumatakbo na ang Philippine National Police (PNP) One Network at Email System na kokonekta sa lahat ng kapulisan sa bansa.
Inilunsad ang mga nasabing digital communication platforms dahil na rin sa pangangailangang makasunod ng PNP sa “new normal” matapos ang social distancing.
“[They] are now officially activated as the most tangible manifestation of the PNP’s digital transformation and strongest response to the pressing need to adapt to the new normal through full use of Information and Communications Technology,” pahayag ni Chief PNP Archie Gamboa.
Mas madali na ang pasahan ng impormasyon mula National Headquarters (NHQ) hanggang sa Municipal Police Stations at mula Itbayat, Batanes sa Hilaga pababa sa Sitangkai, Tawi-Tawi sa Timog dahil sa PNP One Network. Kaliga ng PNP ang Department of Finance, Social Security System, Government Service Insurance System, at Department of Science and Technology na tanging mga ahensya ng gobyernong may autonomous system sa komunikasyon na gumagamit ng border gateway control.
Sa kabilang banda, ligtas at maaasahan na platform naman ang PNP Email System sa pagbibigay-alam ng mga opisyal na anunsyo at iba pang dokumento na gagamitan ng lifetime email accounts ng mga kapulisan. Ang email accounts ay gagamitin ding log-ins sa lahat ng PNP Information Systems.
Nito lamang ay naghigpit ang NHQ sa pagpapapasok sa loob ng kampo kung saan lahat ay obligadong magsuot ng face shields at sumunod sa curfew.