Handa ang gobyerno na magbigay ng subsidiya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sakaling maubos ang pondo nito upang mapanatili ang kanilang serbisyo at operasyon.
Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque makaraang ibunyag ni PhilHealth Acting Senior Vice President Nerissa Santiago sa isang pagdinig sa Senado na tatagal na lamang hanggang 2021 ang kanilang reserve fund.
Ayon kay Santiago, ang mababang koleksyon at ang inaasahang pagtaas ng benefit payouts ang naging dahilan ng pagbaba ng pondo ng ahensya bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.
“As authors of the Universal Healthcare [Law], we have never considered even for one minute that the survival of PhilHealth will solely be by reason of premiums. Alam po namin na hindi makakamit ang libreng gamot at libreng pagamot kung premiums lang ang panggagalingan ng gagastusin ng PhilHealth. Kung maubos ang pera ng PhilHealth, gobyerno po ang magbibigay ng pondo kaya nga po ang tawag diyan Universal Healthcare, hindi medical insurance,” wika ni Roque.
Isiniwalat din ni Santiago na aabot pa sana ng mahigit sampung taon ang actuarial life ng PhilHealth bago mangyari ang pandemya subalit ayon sa kanya hanggang sa susunod na taon na lamang ang kakayanin ng budget nito. Dagdag pa niya, responsibilidad umano ng gobyerno na panatilihin ang operasyon ng programang ito at tiniyak niya ang paglubog nito kung hindi umano tataas sa 71 bilyong piso ang taunang subsidiya.
Siniguro naman ni Sec. Roque na lalabas ang katotohanan at kampante siya sa sabay na imbestigasyon na kasalukuyang isinasagawa ni Undersecretary Jesus Melchor Quitain ng Office of the Special Assistant to the President kasama ang Senado at ang Presidential Management Staff.