Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang training ng mga pulis para sa paggamit ng body camera ngayong araw bilang parte ng pagpapaigting ng pananagutan sa mga operasyon nito.
Nauna na ang mga miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na sumailalim sa training na ginanap sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ayon kay PNP Director for Logistics na si Maj. Gen. Angelito Casimiro, ang bawat istasyon ng pulis ay bibigyan ng 16 na body camera. Walo dito ay gagamitin ng mga nagpapatrol na operatiba habang ang natitirang walo ay nakalaan para sa iba pang operasyon.
Lalagyan din ang mga ito ng SIM card upang ma-forward ang mga video sa PNP Command Center.
Ang mga body camera ay waterproof at kayang mag-record ng mga video ng hanggang walong oras. Ang mga pulis na magsusuot sa mga ito ay hindi maaaring makialam sa configuration ng mga camera. Bukod dito, maaari lang nilang hubarin ang mga ito pagkatapos ng kanilang duty.
Dagdag pa ni Maj. Gen. Casimiro, ang sistema ng pagsusuot ng body camera sa police operations ay mahalaga dahil nakatutulong ito sa pangongolekta at pagpapanatili ng ebidensya.
“Also, it enhances police transparency and legitimacy as well as civility of police citizen encounters, which create a huge impact on our policing and in the criminal justice system as a whole,” saad niya.