PRRD aprubado ang karagdagang benepisyo para sa healthcare workers

Ni Raiza F. Cabugwang
(Photo credit: National Task Force Against COVID-19)

“Batid namin ang pasanin ng bawat isa, lalo na ang ating gobyerno. Sa dami ng problemang kailangan nilang tugunan at desisyon na kailangang timbangin, sana lang po makasama kami sa priority na mapakinggan at masuportahan nang tama sa labang ito. Kaming nasa frontline na unti-unti nang nauubos ay humihingi ng sapat na kompensasyon, hindi para sa sarili namin, kundi para sa mga pamilya naming naiwan habang kami ay nagseserbisyo para sa bayan.”

Ito ang pahayag ni Christian Distor, isang nurse sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center. Isa si Christian sa libu-libong frontline healthcare workers sa bansa na kasama sa mga itinuturing na sundalo sa gitna ng laban kontra Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Aniya, sa loob ng ilang buwan na nagseserbisyo siya bilang isang nurse para sa mga pasyenteng may COVID-19, ang pinakamabigat na hamon para sa kanya ay ang sakripisyo para sa pamilya.

“‘Yong pagod, puyat, at gutom sa pagseserbisyo kaya naming tiisin, pero ‘yong dumistansya ka sa pamilya, iwasan silang makasalamuha, hindi mo magawang alagaan sila, hindi mo matulungan asawa mo sa gawaing-bahay at pag-aalaga, ‘yon ang nagpapahirap sa amin. Naiyak na lang kami,” pagkukwento ni Christian sa kanyang karanasan.

Sa kabila ng mga panganib at hirap na kasalukuyang dinaranas sa kanilang propesyon, patuloy pa rin si Christian at ang kanyang mga kasamahan sa pagseserbisyo sa bayan. Ayon sa kanya, ito ay dahil sa sinumpaan nilang tungkulin. “Call of duty” aniya nila ito, at bukod sa kulang sila sa tao, hindi nila matitiis na iwan ang bawat isa sa laban na ito.

Batid ang mga sakripisyong ito, dininig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinaing na ito ni Christian at kapwa niya healthcare workers sa bansa na kasama sa giyera laban sa pandemya. 

Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Agosto 3 na aprubado na ng Pangulo ang karagdagang benepisyo para sa kanila, katulad ng pagbibigay ng P10,000 hanggang P15,000 para sa healthcare worker na magkakasakit, life insurance, libreng matutuluyan, libreng transportasyon, at libre at malimit na COVID-19 testing.

Mariing inirekomenda ni Pangulong Duterte na isama ang mga karagdagang benepisyong ito sa “Bayanihan 2” — ang panukalang batas na nagtataglay ng “stimulus package” para makabangon ang Pilipinas sa epekto ng COVID-19. 

Bukod pa sa mga nasabing benepisyo, mag-iempleyo rin ng karagdagang 10,000 medical professionals upang mas mapaigting ang kasalukuyang healthcare workforce ng bansa. 

Bagama’t magandang balita ang mga ito sa healthcare workers, hiling ni Christian na sana ay hindi maging limitado ang mga benepisyong ito sa iilang medical workers lamang at magkaroon daw sana ng monitoring team na tututok sa implementasyon ng nasabing hakbang upang tiyaking naibibigay ito sa mga nararapat na makatanggap.

Masaya namang ibinalita ni Christian na maayos naman siya at ang kanyang mga kasamahan na nakatatanggap ng personal protective equipment mula sa pamunuan ng ospital na kanilang pinaglilingkuran at mula sa Department of Health. 

Nabigyan din aniya sila ng Special Risk Allowance noong panahon ng enhanced community quarantine, pero hiling niya na sana ay patuloy na ibigay sa kanila ito, lalo pa ngayon na nakaharap sila ng kanyang kapwa healthcare workers sa mas matinding panganib bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19. 

Sa kabilang banda, may kahilingan din si Christian sa mga Pilipino upang matulungan silang healthcare workers sa paggapi sa virus.

Sa kababayan natin, nakikiusap po kami, ngayon po natin ipakita na may disiplina po tayong mga Pilipino. Stay at home. Perform the minimum health protocols. Malaking ambag na po ‘yon bilang isang Pilipino. Maawa po kayo sa frontliners, may pamilya rin po kami,” pakiusap ni Christian.

Samantala, bilang patuloy na pagbibigay-prayoridad at pagtugon sa mga kahilingan ng healthcare workers sa bansa, at dala na rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 lalo na sa iilang lugar sa Luzon, idineklara ni Pangulong Duterte noong Agosto 2 ang pagsailalim muli sa modified enhanced community quarantine ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal mula Agosto 4 hanggang Agosto 18 ng kasalukuyang taon.  

“I have heard the call of different groups from the medical community for a two-week enhanced community quarantine in Mega Manila. I fully understand why you, health workers, would like to ask for such a timeout. They have been in the frontlines for months and they are exhausted,” pahayag ng Pangulo.

Umapela siya sa healthcare workers na habaan pa ang pasensya at manatili ang pagnanais na makapagserbisyo sa mga pasyenteng may COVID-19. Dagdag pa niya, kinikilala rin niya ang lahat ng pagsisikap ng mga ito.

Huwag kayong mawalaan ng pag-asa, nakikita at kausap ko ang iba sa inyo. Habaan ninyo lang — you stretch your patience and your — not endurance because you can only also take so much, your fervor. Habaan na lang ninyo ‘yong pasensiya ninyo and your fervor na ikaw ay isang medical na tao at tiwala kami sa inyong kakayahan. We are aware that you are tired, that you have worked almost even beyond 24 hours a day. Pero ito kasi ‘yong… Wala kaming matakbuhan. Kayo ‘yong nag-aral, kayo ‘yong may alam,” mensahe ng Pangulo sa healthcare workers.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.