Sa kanyang public address kagabi, nagbabala si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga indibidwal na nagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccine.
“Itong nag-i-import ng walang source tapos peke tapos ang mga tao magpabakuna, I’m just warning you, huwag na huwag kayo magkakamali dito na hirap na ang Pilipino tapos dagdagan mo ng ganitong pamamaraan ng hanapbuhay,” saad niya.
Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na ang mga pekeng bakuna ay maaaring magdulot ng kapahamakan sa kalusugan.
“Magpeke na kayo ng candy diyan, huwag itong medisina. I’m warning you, huwag kayo magkamali dito,” dagdag niya.
Ang mga mamamahagi umano ng pekeng bakuna para sa COVID-19 ay mapaparusahan sa kanilang krimen.
Samantala, nanawagan din ang Pangulo sa publiko na habaan ang pasensya sa kabila ng mga punang natatanggap ng pamahalaan tungkol sa suplay ng bakuna at mabagal na distribusyon umano nito.
“We are really doing the best of our talent getting the vaccine from anywhere para menus-menus ‘yung hawaan,” saad niya.
Ayon sa Pangulo, hindi madaling makakuha ng suplay ng COVID-19 vaccines dahil sa limitadong suplay nito.
“Stretch your patience and understanding. We are doing our best. We are not a vaccine-producing country. Wala tayong expertise, wala tayong knowledge. So, naghihintay tayo,” paliwanag niya.
Ginawang boluntaryo ng pamahalaan ang pagpapabakuna sa COVID-19 at kasalukuyang layunin nitong mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong Pilipino.