Sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi muna ituloy ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang plano nitong taasan ang kontribusyon ng mga miyembro nito habang kinakaharap pa ng bansa ang Coronavirus disease 2019 o COVID-19.
“Base sa usapan namin ni Pangulong Duterte, sang-ayon naman po siya na ipagpaliban pansamantala muna ang pagtaas sa rates ng contributions ng PhilHealth habang may pandemya pa tayong kinakaharap,” paglalahad ni Senator Christopher “Bong” Go.
Ayon pa sa Senador, handa aniyang pumirma ang Pangulo sakaling may ilabas na panukalang-batas ang Lehislatibo ukol sa pagpapaliban ng pagtataas ng nasabing kontribusyon o kaya naman ay tungkol sa pagdadagdag ng pondo upang maipagpatuloy ng ahensya ang paghahatid ng serbisyo nito sa publiko.
“Subalit, alam rin ng Pangulo na kailangan ng batas para maisakatuparan ang deferment, at kailangan ring masigurong hindi maaapektuhan ang serbisyo ng PhilHealth sa taumbayan,” pagpapatuloy ni Go.
Ngayong taon, plano ng PhilHealth na itaas ang kontribusyon ng mga miyembro nito sa 3.5 porsiyento ng kanilang buwang sahod mula sa dating tatlong porsiyento lamang na singil noong nakaraang taon.
Ayon sa nasabing tanggapan, nakasaad sa Universal Health Care ang pagtataas ng premium rate ng mga miyembro ng PhilHealth ng 0.5 porsiyento kada taon, simula 2021 hanggang maabot nito ang limang porsiyentong limitasyon sa taong 2025.