PSA NAGBABALA SA PUBLIKO LABAN SA PHILSYS SIGN UP SCAM

Ni Raiza F. Cabugwang
Photo courtesy of pna.gov.ph
Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter
Share on email
Email

Pinaalalahanan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko na maging alisto laban sa mga scammer na nagpapanggap bilang empleyado ng tanggapan na nangangasiwa sa pagpapatala para sa Philippine Identification System (PhilSys).

Ayon sa PSA, nakakatanggap sila ng mga ulat tungkol sa mga indibidwal na iligal na nagpoproseso ng Philippine identification card at naniningil ng kaukulang kabayaran.

Ayon pa sa ahensya, isang community group na may Facebook account na ‘Philippine National ID (News & Information)’ at isang indibidwal na nagpapakilala bilang ‘’Calvin Processings’ ang umano’y nangongolekta ng pera para sa registration ng naturang ID. 

Kabilang sa modus ng mga fake account na ito ay ang pagpo-post ng mapanlinlang na mga impormasyon, tulad ng pagbibigay-prayoridad sa kanila umanong mga kliyente para sa PhilSys registration. Nanghihingi rin sila ng bayad sa kanilang mga kliyente para sa umano’y tuluy-tuloy na transaksyon.

Muli namang pinaalalahanan ng PSA ang publiko na libre ang registration sa ilalim ng PhilSys.

Iginiit din ng nasabing opisina na nararapat na maging alinsunod ang naturang pagpapatala sa Data Privacy Act of 2012 kung saan ang mga datos at impormasyong nakolekta ay awtomatikong mai-encrypt sa server ng PSA.

Ang mga nakuhang personal na datos at impormasyon mula sa mga magrerehistro ay nararapat na diretsong mai-post sa PhilSys registry, at hindi dapat ipagbigay-alam kaninuman sa pamamagitan ng social media. 

Nagbabala rin ang PSA sa publiko na ang mga totoong kawani ng PhilSys ay dapat na maayos na magpapakilala ng kanilang sarili bilang mga kinatawan ng PSA at ng PhilSys project.

Dagdag pa ng ahensya, dapat na agad na ipagbigay-alam ng publiko ang anumang pekeng post, pages, o indibidwal na gumagawa ng ilegal na mga gawain at transaksyon na may kinalaman sa nasabing proyekto.

Maaaring i-report ang mga iligal na transaksyong ito sa PhilSys official account ng PSA sa pamamagitan ng link na facebook.com/PSAPhilSysOfficial o kaya naman ay itawag sa PhilSys hotline na 1388 (bagama’t may bayad ang pagtawag sa nasabing linya).

Ayon sa PSA, mayroong tatlong proseso sa pagpaparehistro para sa PhilSys:

  1. Sa unang proseso, sa ngayon ay nagbabahay-bahay ang PSA field officers upang mangolekta ng mga demographic information sa targeted na low-income na mga household head mula sa 664 na lungsod at munisipalidad ng 32 na mga probinsya.
  2. Ang pangalawang proseso naman ay ang mismong pagpaparehistro, kung saan susuriin ang bisa ng mga ipinakitang dokumento ng mga magrerehistro, at kukuhanan sila ng biometric information, tulad ng fingerprints, iris scans, at kanilang larawan sa mga registration center.
  3. Ang panghuling proseso ay ang pagbibigay ng physical ID card na may 12-digit  PhilSys number o personal serial number at 16-digit PhilSys card number.

Saad ng PSA, ang mga mananamantala sa naturang proseso ay maaaring pagmultahin ng mula isang milyon hanggang tatlong milyong piso at o makulong ng tatlong taon, alinsunod sa Implementing Rules and Regulation ng Republic Act Number 11055 o ang Philippine Identification System Act, na layong bumuo ng isang national ID para sa lahat ng mga Pilipino at mga residenteng dayuhan.

Ang national ID ay magsisilbing patunay sa pagkakakilanlan ng isang indibidwal. Mapapadali rin nito ang mga pampubliko at pampribadong mga transaksyon, pagpapa-enroll sa mga paaralan, at pagbubukas ng bank accounts dahil maaaring ang nasabing ID na lamang ang ipresenta para sa mga ito.

CONTACT US

Anchored on its mantra, “Sentro ng Katotohanan, Tapat sa Mamamayan”, Balita Central Digital complements and supports the Balita Central newspaper published bi-monthly to combat fake news and to provide the public with easy-to-digest news bits that are sourced solely from the Presidency and government agencies. 

Balita Central is under the supervision of the Bureau of Communications Services (BCS), one of the attached agencies of the Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Launched on February 28, 2019 at the Manila Light Rail Transit System Line 2 (LRT-2) Cubao Station, Quezon City, it also aims to raise awareness among local communities about the policies, programs, and accomplishments of the Presidency. 

Through this platform, Balita Central Digital aims to reach further the online community to deliver more accurate information and communication services in order to educate the citizenry regarding national issues which would enlighten them to be engaged and be empowered in contributing to building a better nation.

Balita Central is situated at the BCS Headquarters located beside the Philippine Cancer Society along San Rafael, San Miguel, Malacañang Complex, Manila City. Its official website address is balitacentral.ph.

For inquiries and feedback, Balita Central may be contacted at editorialdesk.bcs@gmail.com.