Nanawagan si Department of Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na habaan pa ang pasensya sa aberyang nangyari sa pagdating ng COVID-19 vaccines sa bansa.
“‘Wag naman po sana kayo mawalan ng tiwala sa ginagawa po ng inyong gobyerno sa pag-angkat ng mga bakuna,” apela ni Sec. Duque.
Dagdag pa niya, “Kaunting pasensya po ang akin pong pinapakiusap, umaapela po ako sa taumbayan. Makakaasa po kayo na darating at darating po ‘yang mga bakunang iyan pero dapat ipaliwanag ko rin na ang pangunahing dahilan kung bakit wala pang bakuna ay talaga naman ‘yung global supply shortage.”
Ayon kay Sec. Duque, mataas umano ang demand ng bakuna at ito umano ang dahilan kung bakit naantala ang pagdating ng bakuna.
Ayon umano sa ulat mula sa United Nations, 10 bansa pa lamang ang nakapag-umpisa sa pagbabakuna at mayroon pang 130 bansa ang hindi pa rin nakakapagsimula ng kanilang vaccination rollout.
Inasahang darating ang mga bakuna mula sa COVAX facility noong nakaraang linggo subalit naantala ito dahil sa kakulangan ng indemnification fund ng bansa.
Samantala, manufacturing issues naman ang dahilan ng aberya ng pagdating ng bakuna mula sa AstraZeneca, ayon naman kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr.
Sa kabila ng lahat ng ito, inaasahan ang pagdating sa mga susunod na araw ang humigit kumulang 600,000 doses ng Sinovac vaccine mula sa bansang China na kamakailan ay nabigyan na ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration.