Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na kailangang linawin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang kanilang polisiya sa pagsuot ng face shield.
Ito ay matapos matukoy ng senador na maraming tao ang kasalukuyang nalilito sa latest protocol na ipinatupad ng gobyerno laban sa COVID-19.
Dagdag pa niya, may ilan umanong lokal na pamahalaan na hindi sumusunod sa batas dagdag pa ang ilang grupo na umaalma sa taas ng presyo ng face shield sa merkado.
“Hindi naman pwedeng pagpunta mo sa Taguig mandatory ang face shield tapos pagpunta mo sa Valenzuela hindi naman pala required. Ang konsepto nga dito ay mabawasan natin yung risk in the entire country,” pahayag ni Sen. Gatchalian.
Ayon pa sa kanya, hindi lahat ay kayang makabili ng face shield lalo pa ang mga ordinaryong pamilya na mas prayoridad ang pagbili ng pagkain kaysa face shield.
“But the next question is, affordability. Ang cost ng face shield iba-iba: may P50, may P100, may P200 — and that becomes an affordability issue sa ating mga kababayan,” ani Sen. Gatchalian.
Sa kasalukuyan, hindi pa umano matukoy kung bababa ang transmission rate ng COVID sa pagsuot ng face shield.
“Is there a science to the face shield? Tingnan natin kung ano ‘yung risk reduction ng face shield then by all means dapat nating ipatupad ‘yan. But if it is proven that it will reduce the risk of infection then dapat maging uniform ang application ng face shield,” pahiwatig ni Sen. Gatchalian.
Kamakailan, naglabas ng guidelines ang Department of Transportation, Department of Trade and Industry, at Department of Labor and Employment upang maging mandatory ang pagsuot ng face shield.
Gayunpaman, nilinaw ng Senador na wala pang abiso ang IATF kung talagang dapat magsuot ng face shield sa pampublikong lugar.
“Wala pang patakaran ngayon, and I’m calling on IATF na magkaroon na ng uniformed policy on face shields because people are confused”, suhestiyon ng Senador.