Huli sa Parañaque ang dalawang suspek na diumano’y Akyat-Bahay gang members na pinaghihinalaang nagnakaw ng antigong religious artifacts nitong Pebrero 12.
Kinilala ang mga suspek na sina Resty Lazaro, 23, at Mark Ivan Bernabe, 25, na parehong residente ng Lazaro Cmpd. Area 1 Fourth Estate Brgy. San Antonio, Parañaque City.
Sa sumbong ng biktimang si Enrico Deogracias Francisco, 49, napag-alaman diumano nito ang panghihimasok sa loob ng kanyang bahay sa Banner Ave. Fourth Estate Brgy. San Antonio, Parañaque City bandang 7:00 a.m. nitong Biyernes.
Nakuha diumano sa kanya ang isang Jesus Christ crucifix, imahe ni Virgin Mary sa isang glass case, isang bell, isang Sto. Niño, brass pitchers, wood carvings, at isang painting.
Sa salaysay ng biktima, maaaring nakapasok ang mga suspek sa side door ng kanyang bahay na naiwang bukas. Nakita diumano ng biktima na pabalik na sa kanyang tahanan ng mga oras na iyon ang isa sa mga suspek sa kalsada na may bitbit na green ecobag kung saan nakalitaw ang crucifix.
Dali-dali diumano itong pumunta sa mga pulis para iulat ang pangyayari. Nahuli ang mga suspek ilang oras matapos magreklamo ang biktima.