Ayon sa ulat ng Department of Health, umabot sa 20 katao nitong Martes ang nakaranas ng negatibong epekto matapos mabakunahan ng COVID-19 vaccine mula sa Sinovac.
“As of 9:00 this morning, we had a total of 20 adverse events following immunization dito po sa iba’t ibang hospital na nagsagawa ng bakunahan,” pahayag ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Paglilinaw din niya, “Among the 20 individuals, ito po ay mga minor and common na sintomas pagkatapos ng pagkakainiksyon.”
Sa ulat ni Usec. Vergeire, ilan sa mga naiulat na epekto ng bakuna ay ang pananakit ng braso, rashes, pagkahilo, at pagtaas ng blood pressure.
Wala naman umano sa mga nabakunahan ang kinailangang dalhin sa ospital at kinalaunan ay pinauwi rin ang mga ito sa kanilang tahanan.
“All of them are common and all of them are minor adverse events. Wala sa kanilang na-admit, lahat sila ay inobserbahan, na-manage, at after a while, they were all sent home,” ani Usec. Vergeire.
Samantala, nilinaw din ni Usec. Vergeire na ang gobyerno at hindi ang manufacturer ng bakuna ang sasagot sa mga nagpabakunang nakaranas ng negatibong epekto sapagkat under development pa ang mga ito kahit sa kabila ng pagkakaroon ng emergency use authorization.
“Huwag lang merong gross negligence talaga on the part of the manufacturer and also the healthcare worker… Ang gobyerno ang sasagot, magpapagamot, magbabantay, at tutulong sa mga taong magkakaroon nitong adverse events na ‘to,”pahayag ni Usec. Vergeire.