Nakapiling muli ng 21 mga batang Lumad ang kani-kanilang magulang matapos ang mahigit dalawang taon nang mailigtas ang mga ito mula sa pagsasanay para maging mga rebeldeng komunista sa University of San Carlos Retreat House Talamban Campus sa Talamban, Cebu City nitong Pebrero 15.
Pitong lalaki at labing-apat na babae ang nailigtas ng pwersa ng PNP, sa tulong na rin ng MSWD Talaingod, Davao Del Norte at DSWD Cebu City, na naiulat na “missing” matapos ipasara ng DepEd ang Salugpungan School na pinagdalhan sa mga ito noong 2019 sa Talaingod, Davao del Norte. Sa ulat ng PNP, binitbit umano ang mga bata sa Cebu at hindi na nakita pa ng mga magulang simula noon.
“The rescue operation is a manifestation that the reds have been continuously engaged in recruiting and exploiting minors to be trained as child warriors which is a clear violation of International Humanitarian Law and child protection laws,” pahayag ni PNP Chief Police General Debold M. Sinas.
Ilan sa mga nailigtas na bata ang nagpatunay na sumailalim sila sa ilang warfare training habang nasa kustodiya ng kanilang handlers.
Anim na katao na diumano’y nakitang nagtuturo sa mga bata ang inaresto rin ng mga kapulisan.
Illegal detention, human trafficking, at paglabag sa RA 9851 (Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity) at RA 11188 (Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict) ang planong isampang mga kaso laban sa mga suspek.