Tatlong diumano’y Abu Sayyaf na nasa bombing mission ang patay sa engkwentro sa mga pulis ng 6:30 a.m. ng Nobyembre 25 sa Brgy. Taluksangay, Zamboanga City.
Resulta ito ng intelligence operation at maritime interdiction.
Kinilala ang mga nasawi na sina Radi Nalul Tahirin, Hasan Alimin, at Abdilla Aspalin na diumano’y mga miyembro ng Daulah Islamiya.
Nangyari ang engkwentro habang nakasakay ang tatlo sa kanilang pumpboat na humaharurot sa direksyon ng Zamboanga City.
Napaulat na naunang nagpaputok ang mga suspek sa tropa ng Regional Intelligence Unit-9 ng Philippine National Police (PNP) Intelligence Group, kasama ang 5th Special Action Battalion and Explosive Ordnance Disposal Unit ng PNP-Special Action Force, Regional Maritime Unit-9, Regional Intelligence Division ng Criminal Investigation and Detection Group-9, at Zamboanga City Police Office.
Naisugod pa ang dalawang sugatang suspek sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival, samantalang nahulog naman ang katawan ng isa na hanggang ngayon ay pinaghahanap.
Nakuha ang dalawang caliber .45 pistols at mga pampasabog sa pumpboat ng mga suspek.