Nasa kustodiya na ng Philippine National Police ang tatlong suspek sa kaso ng panggagahasa at pagpatay sa 23-year old flight attendant sa isang hotel sa Makati City noong Bagong Taon.
Kinasuhan na ng rape with homicide sa Makati City Prosecutor’s Office kahapon, Enero 4, sina John Pascual Dela Serna III, 27; Rommel Daluro Galido, 29; at John Paul Reyes Halili, 25.
Pinaghahanap pa ang siyam na katao na kasama rin daw diumano ng biktimang si Christine Angelica Dacera sa City Garden Hotel na sina Gregorio Angelo de Guzman; Louie de Lima; Clark Jezreel Rapinan; Rey Englis; Mark Anthony Rosales; Jammyr Cunanan; Valentine Rosales; isang “Ed Madrid”; at isang “Paul”.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na kasama ng biktima ang mga suspek sa New Year’s Eve Party sa nasabing hotel sa corner Makati at Kalayaan Avenues sa Brgy. Poblacion. Naitakbo pa sa ospital si Dacera na natagpuang walang malay ng mga hotel staff sa bathtub ng kanyang hotel room lagpas tanghali noong Enero 1, ngunit binawian na ng buhay.