Wala umanong dapat ikabahala ang publiko kahit positibo nang nasa bansa ang bagong strain ng COVID-19 ayon sa Department of Health (DOH).
Subalit, iginiit ng ahensya na mas kailangang sundin ng publiko ang itinakdang minimum health standards upang maiwasan ang pagkahawa at pagkalat ng virus.
“I’d just like to remind the public, unang-una po tungkol sa variant, there is no need to panic actually kung tayo lang po ay susunod sa minimum public health standards,” paliwanag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Dagdag pa niya, “‘Di po siya nagbago ng transmission. ‘Yun pa rin po. Wala pong sinasabi na mas magkakaroon ng severe disease pero kung patuloy na kakalat maaaring magkaroon ng mas madaming hospitalization.”
Ayon pa kay Usec. Vergeire, mas regular na umano nilang gagawin ang genome sequencing o biosurveillance ng mga positibong kaso ng COVID-19.
“Ngayon regularly na po natin gagawin, and we can be able to determine if really ito pong variant na ito ay matagal na pong nandito sa ating bansa,” pahayag ni Usec. Vergeire.
Nitong Miyerkules naitala ang unang kaso ng bagong strain ng COVID-19 sa bansa mula sa isang 29 taong gulang na lalake mula sa Dubai na dumating sa bansa noong Enero 7.
Kasalukuyang nasa isang isolation facility ang pasyenteng ito sa Quezon City, at kahit umano natukoy na ang mga close contacts nito, patuloy pa rin ang isinasagawang expanded tracing upang mapigilan ang pagkalat ng virus.