Muling ipagpapatuloy ng Philippine National Police (PNP) ang striktong monitoring ng body mass index (BMI) ng mga kapulisan matapos itong masuspinde kamakailan dahil sa COVID-19.
Ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, nakausap na umano niya ang PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development para muling ituloy ang programang ito upang matulungang mabawasan ng timbang ang ilang pulis na overweight.
“Kinausap ko ‘yung bagong DHRDD na ibalik. Kasi obesity causes diabetes, heart disease which are comorbid diseases for COVID-19,” pahayag ni Gen. Sinas.
Ayon pa kay Gen. Sinas, wala umanong problema kung madagdagan ang timbang ng mga pulis, basta’t aniya “huwag lang masyado.”
“Pwedeng mataba, huwag lang masyado. Kasi for the last nine months because of the pandemic, parang konti na lang ‘yung nage-exercise at gumalaw-galaw. Naging stagnant tayo, so ibabalik namin ‘yun,” dagdag ni Gen. Sinas.
Hinimok din ni Gen. Sinas ang mga kapwa niya pulis at aniya, siya mismo ay sumusunod sa tamang pagkain at ehersisyo.
“Ako nga nag-o-observe, e. For the last 3 months, I strictly followed my diet regimen and exercise. Kung kinaya ko at the age of 55, I don’t think ‘yung mga younger sa akin, hindi nila kakayanin,” ani Gen. Sinas.
Kamakailan, inilunsad ng PNP ang simpleng four-minute exercise regimen na pumalit sa regular community exercises na ginagawa ng kapulisan sa simula ng bawat linggo bago pa man tumama ang COVID-19 sa bansa.