Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Sabado, Enero 2, na wala pang kumpirmadong kaso ng bagong variant ng COVID-19 sa bansa, at ang mga nakuhang specimen mula sa mga pasahero mula sa bansang nagpositibo rito ay kasalukuyan pang sinusuri.
Naglabas ng pahayag ang DOH matapos ihayag ng isang miyembro ng OCTA Research Group na malaki umano ang posibilidad na nasa bansa na ang bagong uri ng virus matapos kumpirmahin ng bansang Singapore na mayroon na itong kaso.
Ayon naman sa DOH, kasalukuyan pang sinusuri ng Philippine Genome Center ang nakuhang RT-PCR specimen mula sa mga pasaherong nanggaling sa bansang nagpositibo na sa bagong strain ng COVID-19.
“This is to clarify that as of Jan. 2, 2021, the Philippine Genome Center has not detected the UK variant in the country. All RT-PCR positive specimens from the countries with confirmed UK variant are to undergo genome sequencing beginning Monday, Jan. 4, 2021,” saad sa inilabas na advisory ng DOH.
Siniguro rin ng DOH sa publiko na nakikipag-ugnayan umano sila sa iba pang ahensya upang masiguro na maayos na naipatutupad ang mga itinakdang protocol sa mga point of entry sa bansa.
Nauna nang nilinaw ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaari umanong tumagal ng isang linggo ang pagsusuri sa specimen na nakuha sa mga pasaherong nanggaling sa mga bansang nagpositibo sa bagong strain ng virus.
Kamakailan, ipinatupad ang travel ban sa 21 bansa upang mapigilan ang pagpasok ng bagong strain ng virus sa Pilipinas.