Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-online shopping na lamang imbes na makipagsiksikan sa ibang mamimili sa papalapit na holiday season matapos dagsain ng ilang mamimili ang Divisoria sa kabila ng banta ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mataas ang risk of transmission ng COVID-19 sa mga lugar na siksikan kahit pa nakasuot ng facemask at face shield ang mga mamimili.
“Gusto lang natin ipaalala na ang risk ng pagkakahawa-hawa ay napakalaki kapag tayo ay nakakapunta sa mga lugar na maraming tao katulad nu’ng sa Divisoria noong weekend,” paalala ni Usec. Vergeire.
Dagdag pa niya, “Gusto ko lang paalalahanan ang ating mga kababayan na bagaman alam natin na sabik na tayo na magpunta sa mga mall, mamili tayo para sa mga pampasko natin, alalahanin natin na nandyan pa rin yung virus at ang virus, mas maihahawa sa mga tao.”
Sa halip din umano na magtipon-tipon sa darating na Pasko, iminungkahi ng DOH na mag-video call na lamang upang hindi mahawa ng virus.
Muli namang ipinaalala ng DOH sa publiko ang kahalagahan ng pagsunod sa minimum health standards upang aniya’y totoong maligaya ang pagdiriwang ng bawat pamilya sa darating na Pasko.