Nagbabalang muli si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na opisyal na nagsamantala sa pondo sa ilalim ng social amelioration program (SAP).
Sa kaniyang public address kahapon, pinangalanan ng Pangulo ang 89 na kapitan ng baranggay na pinatawan ng Office of the Ombudsman ng preventive suspension dahil sa pagkakasangkot sa mga anumalya patungkol sa emergency cash aid ng pamahalaan para sa mga mahihirap.
Inudyukan din niya ang Ombudsman na tanggalin ang mga opisyal sa serbisyo kapag napatunayan ang paglabag ng mga ito sa batas.
“At the end of the investigation, if you are good, then you are exonerated. But if you are guilty, I ask — I am asking now the Ombudsman, I’m requesting, most respectfully requesting the Ombudsman to dismiss him — dismiss them from the service,” saad niya.
Ayon pa sa Pangulo, ang pagsasamantalang ito sa pondo ng publiko ay isang malaking kaso.
“I warned you, pag-umpisa pa lang sinabi ko, do not f*** with this, itong pera sa Pantawid. Iyong panahon ng Covid na namigay ang gobyerno ng pera para sa mga mahirap. Sinabi ko na, lalo na sa barangay level, huwag na huwag ninyong gawin,” dagdag niya.
Matatandaang hinimok ng Pangulo sa kaniyang mga nakaraang talumpati ang publiko na isumbong ang mga lokal na opisyal na nagbubulsa ng pera sa ilalim ng SAP.
Bilyon bilyong piso ang inilaan ng pamahalaan para sa pondo ng programa na nakapagbigay ng Php5,000 hanggang Php8,000 sa mga mahihirap na pamilyang lubos na apektado ng pandemya.