Huli ang isang French national habang arestado naman ang dalawa pa dahil sa tangkang panunuhol sa mga pulis na mapalaya ang nasabing foreigner sa halagang PhP1.5-milyon.
Timbog ang puganteng foreigner na si Julien Barrier, 39, ng mga CIDG operatives bandang 11:30 a.m. ng umaga nitong Enero 29 sa Clark International Speedway Clark Freeport Mabalacat City, Pampanga sa bisa ng Mission Order No. JHM-2021-010 ng Bureau of Immigration na inisyu alinsunod sa Case Reference no. 2018/10138-1 with Offense Code: Drug(s)/Cocaine in Paris, France ng INTERPOL.
Samantala, himas-rehas naman sina Aaron Christian Bolus, 31, isang businessman ng Dau, Mabalacat City, at Joseph Julius Gonzales, 24, driver mula Porac, Pampanga matapos maaresto sa isang entrapment sa loob ng CIDG Field Office sa Angeles City nitong Enero 30 ng gabi dahil sa tangkang panunuhol upang makalaya si Barrier mula sa mga pulis.
Kakasuhan ng paglabag sa Art. 212 ng Revised Penal Code o Corruption of Public Official ang dalawang Pinoy.
“The PNP is committed to help the INTERPOL bring Barrier to justice. Let this arrest serve as a warning to those who will attempt to help him. We will jail you as well,” pahayag ni PNP Chief Police General Debold M. Sinas.