Itinalaga na si dating PACC Commissioner Greco Belgica bilang bagong chairman ng ahensya kapalit ng dating PACC Chair Dante Jimenez.
“Bitbit ang lahat ng aking natutunan sa pagiging Commissioner, nais ko pang palakasin ang ating nasimulan na laban kontra korupsiyon ng mas may diin at walang takot upang isiwalat ang katotohanan at bigyang katarungan ang sambayanang ninanakawan ng mga korap sa gobyerno,” pahayag ng bagong chairman sa Manila Bulletin.
Nangako ang hepe ng PACC na pabibilisin ang anti-corruption investigation at pagsampa ng kaso laban sa mga korap na public servants.
Sabay ng panghihikayat sa publiko na isumbong ang anumang anomalya sa gobyerno, sinabi rin ng bagong PACC chair na makikipag-usap ito sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at stakeholders para isaayos ang mga sistemang bukas sa korapsyon.
Regular din itong magsusumite ng report sa Office of the President ukol sa anti-corruption drive ng ahensya.
Sa ilalim ng EO 43 s.2017, katuwang ang PACC ng Presidente sa pag-iimbestiga o pagdinig sa mga kasong administratibo na may kinalaman sa graft and corruption ng mga presidential appointees na may assistant regional director na posisyon pataas. May kapangyarihan din ang PACC na magsagawa ng lifestyle check.
Maaari ring magrekomenda ang komisyon sa Presidente na magsangguni o magsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman o DOJ.