May kalayaan ang higher education institutions (HEIs) na magbukas anumang buwan sila handa, paglilinaw ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero De Vera III matapos iurong ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng mga klase sa elementarya at sekondarya ng Oktubre 5. Kaya naman hindi kailangan ng HEIs ang bagong polisiya.
Alinsunod ito sa “academic freedom” na ginagarantiya na ng konstitusyon at nasasaad sa umiiral nang RA 7722 o CHED Law.
Ayon sa chairman, naglalabas lamang ang CHED ng mga patnubay na susundin ng mga unibersidad at kolehiyo sa pagbubukas ng mga pamantasan base na rin sa nasaad na batas ng Kongreso.
“Universities open their school year as approved by their board, depending on the way they structured their semesters. Hindi kasi pwedeng sabay-sabay ang pagbubukas ng pamantasan dahil iba-iba ang academic calendar. Merong trimester ang kanilang school year, [may] quarterly,” paliwanag ng tagapangulo ng CHED.
Nilinaw rin ng chairman na ang inaprubahan ng COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases noong Mayo ay “rolling opening of classes” depende sa delivery mode.
“Iyong mga universities na full online, pwedeng magbukas as early as June. At marami sa kanila nagbukas na. Iyong mga gumagamit ng kombinasyon ng online at offline o iyong flexible learning, pwedeng magbukas ng August o later. At majority of universities magbubukas ng August. Pero may mga pamantasan na sa kanilang palagay ay hindi pa sila handa, magbubukas sila ng September tulad ng UP. Meron ding mga university na sabi nila sa October pa kami magbubukas,” dagdag ni Chairman De Vera.
Pero sinabi ng chairman na depende pa rin sa kalagayan at lebel din ng kahandaan ng mga pamantasan kung magbubukas ang mga ito kahit pa ang desisyon ay nasa board, tulad sa DepEd na ipinagpaliban ang mga klase upang mapunan kung ano pa ang kulang ng mga eskwelahan base sa naging pagsusuri ng policymakers. “Kung hindi sila handa, dapat hindi sila magbukas,” pagdidiin ni Chairman De Vera.