Muling pinalawig ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng student permits at lisensya ng mga drayber at konduktor para sa ilang mga indibidwal hanggang Marso 31 ng taong ito.
Ang naturang extension ay para sa mga indibidwal na may edad 17 hanggang 20 na taong gulang, at para sa senior citizens na may edad 60 pataas.
Ang nasabing pag-urong ng palugit ay ibinigay kaugnay sa utos ng pamahalaan na manatili sa kanilang mga tahanan ang naturang itinuturing na ‘vulnerable age group’ o mga indibidwal na mas may malaking posibilidad na mahawaan ng COVID-19.
Sa ilalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolution Number 79, ang mga indibidwal na nasa 15 hanggang 20 na taong gulang, at 60 na taong gulang pataas, ay maaari lamang makalabas ng kanilang bahay kung kinakailangan, tulad na lamang kung bibili ang mga ito ng kanilang mga kinakailangan o kapag papasok sila sa kanilang trabaho.
Pangatlong beses nang pinalawig ng LTO ang bisa ng ilan sa mga ibinigay nitong lisensya dahil na rin sa patuloy na pagpapalawig ng mga restriksyon sa bansa bunsod ng kinakaharap na pandemya.
Matatandaang noong Oktubre ng nakaraang taon ay pinalawig din ang bisa ng nasabing mga lisensya hanggang Disyembre 31 sa parehong kadahilanan.