Nagtapos sa kulungan ang dapat sana’y masayang pakikipagrelasyon ng isang Nigerian National sa isang Filipinang negosyante matapos maitakas mula sa kanya ang 3.23 milyong pisong halaga na pangpagawa sana ng mall sa San Fernando, La Union.
Kinilala ang suspek na si Evans Amara Okeke, 26 na nakausap lang pala sa social media ng biktimang si Ellen Salto, 64, isang negosyante at residente ng Brgy. Pinyahan, Quezon City.
‘Michael Gerald’ ang unang pakilala sa kanya nito. Dahil naging magkasintahan, ibinuhos niya ang tiwala sa suspect para sa proyekto. Huli na nang malaman niyang naitakas na pala ang kanyang pera kasama ang 2 nitong kasabwat.
Si bisa ng isang search warrant, naaresto ng ng mga operatiba ng CFCU, DFU, OMD at CPIU si Okeke sa Room 3 No. 47 Kasoy St. Verdant Acre Subdivision, Las Piñas City kasama ang mga kasabwat nito na sina Chidiebere Junior Ezema, 25, isa ring Nigerian National at Filipinang si Judy Ann Japitana, 23.
Nasa kustodiya na ng CFCU sa PNP Anti-Cybercrime Group Custodial Facility Camp Crame, Quezon City ang mga suspek dahil sa paglabag sa Art. 315 ng RPC (Swindling/Estafa) at Sec. 5(a) at (b) at Sec. 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
“Our cybercops are going after perpetrators of online fraud and scams and will arrest cyber criminals who are involved in online illegal activities that may cause harm, confusion, and panic among our people,” pahayag ni PNP Chief Debold M. Sinas.