Kumpiyansa si Defense Secretary Delfin Lorenzana na maaari nang ibalik sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila matapos lumabas ang ulat ng pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Ayon sa Chairman ng National Task Force Against COVID-19, hindi na kakayanin ng ekonomiya ang mas matagalan pang lockdown.
“I think we are ready to go down, we cannot continue with the MECQ kasi nga alam na natin nasaan ‘yung areas na may infection. ‘Yun lang ang tutukan natin so that the others can also go to work,” pahayag ni Lorenzana.
Kaugnay nito, tumaas din ang bilang ng recovered COVID-19 patients at nakakasa na ang second phase ng National Action Plan ng gobyerno kontra sa coronavirus kung kaya’t balewala na umano ang extension ng hard lockdown.
Dagdag pa niya, mas maraming tao ang mawawalan ng trabaho kung ipapapatuloy pa ang modified enhanced community quarantine (MECQ).
“We should not put big areas under lockdown like a certain city or municipality and rather. We should just determine and identify which places really have the outbreak such as certain villages or streets instead of affecting the entire city or municipality,” paliwanag ni Sec. Lorenzana.
Samantala, ayon naman sa Palasyo, pag-uusapan pa bukas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kasama si Pangulong Duterte kung ipagpapatuloy pa ang pagpapatupad ng MECQ.
“It entails a delicate balancing of protecting and saving people’s health to protecting and saving the economic health of the nation,” saad ni Palace Spokesperson Harry Roque.
Kamakailan, naiulat na ang pagtaas ng testing capacity ang dahilan sa paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Taliwas ito sa sinasabi ng ilang eksperto na sa pagtaas umano ng kapasidad sa pag-test, bababa rin dapat ang positivity rate ng infection.