Suspendido muna ang Balik Probinsya, Bagong Pag-Asa Program (BP2) ng pamahalaan matapos makapagpauwi ng nasa 112 benepisyaryo ng programa sa Leyte sa una nitong arangkada noong Mayo 20, 2020 para magbigay-daan sa mga stranded na indibidwal sa Kamaynilaan dahil sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, pokus muna ang gobyerno sa pagpapauwi sa locally stranded individuals, kasama na ang OFWs, sa kani-kanilang probinsya sa ilalim ng Hatid Tulong Program.
“I decided, as a matter of strategy, na i-suspend muna ang ating rollouts for the Balik Probinsya, Bagong Pag-Asa to give way, unahin natin. This was a very clear instruction from our President, unahin, pauwiin na ang ating mga kababayan na stranded dito sa Maynila,” pahayag ni NHA General Manager at BP2 Executive Director Marcelino P. Escalada, Jr.
Layon ng BP2 na tugunan ang isyu ng urban congestion sa Metro Manila sa pamamagitan ng paghihikayat sa publiko na mamuhay sa kani-kanilang probinsya na may insentibo mula sa pamahalaan pagdating sa transportasyon, hanapbuhay, at edukasyon. Pinagtitibay ang programa ng EO No. 114 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Marami pa pong susunod na mga kababayan natin na uuwi na po ng probinsya,” paniniguro naman ni Senator Christopher “Bong” Go.