Dahil umano sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 infection sa Metro Manila kung kaya’t umabot na sa 64 porsyento ang bed occupancy rate sa intensive care unit (ICU) beds at 54 porsyento naman sa isolation beds ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo Vega.
Aniya, kinakailangan na umanong maaksyunan ang kasalukuyang hospital capacity upang maagapan ang nakababahalang sitwasyong ito.
“The numbers, they fall under moderate risk. It’s alarming. We can be very comfortable if it were low risk, below 30 percent (utilization rate). But this is already 60 percent so it’s alarming but we need to do something,” pahayag ni Usec. Vega.
Patuloy pa rin ang monitoring ng DOH sa mga natukoy na high-risk hospitals kung saan umabot na sa 80 hanggang 83 porsyento ang healthcare capacity sa kabila ng naiulat na 47 porsyentong bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Sang-ayon din ang Palasyo na nakaaalarma ang mataas na utilization rate ng ICU beds subalit nanindigan na mas may kapasidad na umano ang ating mga pagamutan para harapin ito kumpara noon.
“For me, given that the people I think are now mobilizing themselves and concentrating on lowering the numbers, let us see what will be the result of the concerted effort of the nation to halt the rise in cases of COVID-19,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nilinaw rin ni Sec. Roque na nakadepende sa kapasidad ng mga pagamutan at healthcare workers ang muling paghihigpit ng quarantine restriction sa bansa.