Ipinahiwatig ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang personal na pasalamatan si Chinese President Xi JinPing sa bakunang ibinigay nito na naging dahilan ng simula ng vaccination program ng bansa.
“Towards, maybe at the end of the year, when everything has settled down, I intend to make a short visit to China, to just shake hands with President Xi Jinping, and to personally thank him for this donation,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Ipinagmalaki rin ni Pangulong Duterte na ang dumating na mga bakuna ang tanging batch na hinatid ng gobyerno ng China at aniya, “Iyong iba kinukuha doon sa China, dito hinatid sa atin.”
Ilalaan ang 100,000 doses ng bakuna sa mga sundalo at ang matitira ay ibibigay sa piling mga health workers sa bansa.
Hinimok din ni Pangulong Duterte ang publiko na magpabakuna sa lalong madaling panahon at maging kaagapay ng gobyerno upang makontrol ang pagkalat ng virus.
“With the entire nation’s support, I am confident we will claim victory in this pandemic. Panahon ngayon para magbayanihan,” ani Pangulong Duterte.