Aprubado na kahapon sa huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang panukalang batas na nagtataas ng edad ng statutory rape mula 12 anyos sa 16 anyos.
Inaamyendahan ng House Bill 7836 ang Anti-Rape Law na nagpapalawig din ng depinisyon ng rape at nagbibigay ng mas mataas na parusa sa mga mapatutunayang lumabag sa batas.
Kapag tuluyan nang naipasa, maituturing na statutory rape ang krimen kapag ang biktima ng rape ay nasa 16 anyos pababa, o pataas, ngunit mayroong kapansanan o kondisyon na nagtatanggal dito ng kakayahang maintindihan ang kahihinatnan ng mga sekswal na aktibidad.
Ayon kay Tingog Party-List Representative Yedda Marrie Romualdez, isa itong malaking hakbang sa pagkamit ng hustisya at para maprotektahan ang mga kabataang biktima ng rape. Dagdag pa niya, dapat nang ipasa agad ng Senado ang panukalang batas.
“By establishing the crime of statutory rape to be any sexual activity with a child, of either sex, under the age of 16–the law makes certain the punishment of those who commit such crime, without unnecessarily furthering the emotional and physical trauma of the child that may be brought about by a lengthy court proceeding or the need for any further physiological or material evidence,” paliwanag niya.
Iminumungkahi ng panukalang batas na patawan ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong ang sinumang mapatutunayang nakagawa ng statutory rape sa mga menor de edad na may taong 16 anyos pababa.