LUNGSOD NG QUEZON — Binuksan na ngayong araw ang pangalawang COVID-19 testing laboratory ng Philippine National Police (PNP) na kayang magsagawa ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) Test sa 150 specimens sa isang araw.
Ang kakapasa pa lamang na molecular laboratory sa ilalim ng PNP Health Service ay magsasagawa ng testing mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 6 sa 90 specimens kada araw. Mula Nobyembre 15, magsasagawa na ng testing hanggang sa 150 specimens.
Maaaring malaman ang resulta ng RT-PCR test sa loob ng 24-48 oras.
Seserbisyuhan ng PNP General Hospital Molecular Laboratory na matatagpuan sa loob ng Camp Crame ang mga PNP personnel at kanilang dependents, kasama na ang mga pasyenteng nasa emergency at hospital care.