Pansamantalang sinuspinde na rin ng PNP alinsunod sa rekomendasyon ng PNP Human Resource and Doctrine Development ang mandatory o specialized courses at training ng National Police Training Institute (NPTI) maging ng PNP Training Service dahil sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases sa NCR at mismong sa ranggo ng mga PNP personnel.
Sa inilabas na pahayag ng ahensya nitong Marso 19, supendido ang ongoing mandatory courses ng NPTI hanggang Marso 30. Magkakaroon muli ng assessment at evaluation ng pagpapatuloy ng mga klase matapos ang petsa.
Pinatigil na rin sa loob ng 30 araw ang lahat ng skills and development training at specialized courses sa ilalim ng Master Training Action Plan 2021 na ipinapatupad ng PNP Training Service simula Marso 16.
Sa kabilang banda, magpapatuloy pa rin ang frontline service desks ng DI, SOSIA, FEO, HPG, DIDM, HS, at CLG sa limitadong bilang ng mga kliyente. Hindi kasama ang PNP Retirement and Benefits Administration Service na ang sineserbisyuhan ay halos senior citizens.
Ililipat din ang Central Processing Assistance Area malapit sa entrance gate ng transformation oval para limitahan ang galaw ng mga kliyenteng papasok sa Camp Crame.