LUNGSOD NG QUEZON — Nanguna bilang most outstanding district sa police community relations (PCR) sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Quezon City Police District (QCPD) ngayong taon.
Kasama ni Philippine National Police Chief Directorial Staff PLTGEN Cesar Hawthorn R. Binag si NCRPO Director PMAJ GEN Debold M. Sinas sa pagkilala sa QCPD noong Agosto 3 sa Camp Bagong Diwa Bicutan, Taguig.
Tanda ang parangal ng pinaigting na ugnayan ng pulisya sa komunidad na kailangan lalo na ngayong panahon ng COVID-19 na pandemya.
Ayon kay QCPD Director PBGEN Ronnie S. Montejo, “The award is certainly the result of the collaborative efforts of everyone. Kaya po tayo nananawagan na patuloy po tayong magtulungan lalo na sa panahong ito ng pandemya, at nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa lahat para sa mas magandang serbisyo sa tao at sa bayan.”
Hinakot din ng ilang indibidwal na kapulisan ng QCPD ang ibang parangal gaya ng Outstanding PCR Senior Police Commissioned Officer (PCO) sa katauhan ni Chief of the District Community Affairs Development Division PLTCOL Christian Dela Cruz at Outstanding PCR Junior PCO ni Talipapa Police Station 3 PCPT Senalice B. Nato. Ang Batasan Police Station 6 naman sa pamumuno ni PLTCOL Romulus Gadaoni ang nagkamit ng Outstanding City Police Station in PCR ngayong taon.