Iginiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na malaki ang maitutulong ng implementasyon ng granular lockdowns sa Metro Manila at mga karatig-lungsod nito sa nalalapit na pagtatapos ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Agosto 18.
Ayon kay Usec. Vergeire, puspusan na ang ginagawang trabaho ng gobyerno upang gabayan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng granular lockdowns at masiguro na restricted ang galaw ng mga residente sa piling lugar lamang.
Dagdag pa niya, lumuwag na umano ang ilang ospital mula ng mailipat ang ilang pasyente sa ibang healthcare facilities na mas marami ang bed capacity.
Paliwanag niya, “We have to look at the other side of the coin, we have to look at the economic side, and our economic managers are already saying that if we push through and extend quarantine here in Metro Manila or other parts of the country, a lot of the people would suffer from hunger already and other diseases will also be evident so we also have to balance when we try to decide”.
Gayunpaman, pabor si Usec. Vergeire na kailangan pang pag-aralan at isaalang-alang ng Palasyo ang istratehiya na kasalukuyang ipinatutupad laban sa virus, ang kapasidad ng ating healthcare system, gayundin ang kasalukuyang bilang ng nagpositibo sa COVID-19.
“This active case finding where we are doing the post-strategy and of course improving the capacity of our health system, all of these have to be considered before we can finally decide if we are going to ease quarantine measures or not,” saad ni Usec. Vergeire.
Sa datos na inilabas ng Department of Health nitong Miyerkules, nakapagtala na ng 143,749 na kaso ng COVID-19 sa bansa. Mula sa bilang na ito, 72,348 ang active cases, 68, 997 ang nakarecover, at 2,404 ang bilang ng nasawi.