Inilunsad ng pinagsamang pwersa ng pulis at militar ang isang rescue operation para sa dalawang opisyal ng barangay sa Masbate na pinaghihinalaang dinukot ng CPP-NPA.
Hindi pa rin matukoy ang kinalalagyan nina Brgy. Kagawad Victorino Piorado at Brgy. Tanod Arnel Refanan ng Brgy. Cabas-an, Aroroy, Masbate.
Nakatakas naman mula sa mga hostage taker si Brgy. Chairman Aniano Capinig na ngayon ay nasa ligtas nang lugar. Napag-alamang datihan na ring miyembro ng CPP-NPA ang punong barangay na sumuko sa gobyerno kinalaunan.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), dinukot ang tatlong barangay officials sa tutok ng baril ng nasa 30 CPP-NPA teroristang pinangunahan nina “Cris” at “Star” bandang 4:00 a.m.
Tinali diumano ang tatlo sa maburol na parte ng barangay kung saan tinakot silang isa-isang papatayin kada dalawang oras.
“This is a crime, and under no circumstances shall the PNP allow any violations of law and atrocities by the CPP-NPA who threaten the lives of ordinary and innocent people who could not defend themselves. With support and cooperation from the community, the police commits itself to bring the victims alive back to their families,” pahayag ni PNP Chief Police General Debold M. Sinas.
Pinangungunahan ng 2nd Infantry Battalion at Provincial Mobile Force Company ng Philippine Army ang naturang operasyon.